Huwebes, Marso 22, 2012

Vitamin S

Pagpihit palang ng aking mga paa palabas sa pinto ng aming bahay ay alam ko nang hindi lang pag-aaral ang dahilan kung bakit ko kinakailangang pumasok ngayon, mahigpit ang yakap sa bag na kinalalagyan ng maliit na supot na naglalaman ng lasong sumisira sa buhay ng maraming kabataan.

Lilinga-linga si Empoy na nag-aabang sa bukana ng aming silid aralan, matiyagang naghihintay sa taong pagmumulan ng produktong ihahatid naman niya sa kanyang mga parokyano, kapalit ng perang gagamiting patustos sa kanyang pag-aaral, kitang kita ko ang pagliwanag ng kanyang mukha nang  mamasdan niya ako, kasabay ng paghakbang ng kanyang mga paa patungo sa aking kinaroroonan ay ang paglingon sa lahat ng dako, naninigurong walang  ibang taong makakakita sa amin, mabilis kong kinuha sa aking bulsa ang kapirasong plastik na naglalaman ng vitamin S.

Ngunit bago pa man niya ito maitago sa kanyang bag ay ang pagdating naman ng aking bestfriend, si Si Nito, nagulat akong hindi na siya nabigla, marahil ay alam na niya, at sana ay naiintindihan niya kami, iiling-iling siyang lumapit sa akin sabay bulong nang "Mag-ingat naman kayo!", tumango na lamang ako at nagwikang "salamat!"

Pagkatapos ng transaksiyon ay magkasama si Niko at Empoy sa susunod nilang klase, at ako nama'y magtatanghalian.

Mabagal ang aking pagkain habang ninanamnam ang bawat sandali ng katahimikan, pagkalipas pa ng ilang minuto ay nagpasya akong lumabas ng kantina, hindi pa man ako nakalalayo nang biglang may naaninag akong dalawang lalaking nakaunipormeng asul, tsk tsk, mga parak!

Hindi ko na nagawang tumakbo, mabilis silang tumalilis papunta sa akin at ako'y pinosasan, gusto ko mang kumawala ay alam ko namang may ginawa akong kasalanan, ngunit ano to?  bakit nila ako pinipiringan? 

Araaaaaaaaaaaaay! malakas na sigaw ko matapos akong suntukin sa tagiliran,  na sinundan pa ng magkakasunod na suntok at magkakambal na tadyak, unti-unting nagdilim ang aking paningin, hanggang sa ang maliit na liwanag na naaninag ko sa kabila ng manipis na panyong nakapiring sa aking mga mata ay kinain na ng kadiliman. 

Maliliit na kislot, hanggang sa tuluyan na nga akong bigyan ng ulirat, ngunit sa mga panahong ito ay wala na ang manipis na tela sa aking mga mata, lilinga-linga ako sa aking paligid, nag-iisip ng kung ano nang mangyayari sa akin.

Ngunit nang makita ko kung ano at sino ang nasa aking paanan ay mukhang alam ko na,

si Empoy, si Empoy na kani-kanina lamang ay kasama ko sa iskwelahan, si Empoy na napilitang magtulak ng droga upang makapag-aral, si Empoy, si Empoy na ngayoy............ Patay na!

Kasunod ng aking pagkabigla ay ang paglabas muli ng dalawang parak na malamang ay siya ring tumangay sa buhay ng aking kaibigan,,, ngunit sa kanilang likod ay ang isa pang kakilala.

Si Nito, na matamis ang ngiti at nakatitig sa akin. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento