"Sa gabi'y ikaw ang pinakatingkad na hayop, isang nagniningning na diwata ng kagandahan, binighani ang sangkalalakihan, at sa pagpitik ng nakabibighaning ilaw ay naghatid ka ng kasiyahan, pinalangoy sa serbesang nagpapahina sa iyong pagod nang katawan, mabuhay ka, isa kang bayani ng iyong pamilya, isa kang huwarang babae na walang hinangad kundi makaahon mula sa putik na iyong ginagalawan."
Hindi kaligayahang hatid ng laman ang iyong hinangad, kundi ang makatulong sa pamilyang naghihikahos sa kahirapan, puri at dangal ang iyong ipinusta upang makamit ang gantimpalang maluwang na buhay, huwag mong tanggapin ang awa, dapat kang papurihan, huwag mong isipin ang masamang iniisip ng iba, ikaw ay isang nilalang na may mabuting kalooban, huwag kang mabahala, nariyan ang isang kaibigang magtatanggol sa iyo, nariyan lamang siya, nagmamatyag, nakamasid, mula sa itaas ay masugid kang binabantayan, siya ang higit na nakakaalam ng lahat.
Isa kang alitaptap na bumubuhay sa hatinggabi, pahirin mo ang iyong luha ineng, huwag kang umiyak, hindi ka habambuhay ganyan, gawin mong pundasyon ang kasalukuyan at bumangon, pagbangon mula sa matingkad na alitaptap tungo sa nagpupunyaging agila, patunayan mong hindi ka isang dumi sa lipunan, kundi isang matatag na ibong lilipad sa tayog ng tagumpay, at mula ngayon, hindi kana tatawaging kalapating mababa ang lipad, titingalain ka ng lahat, katabi ng mga bituing nagsabog sa sanlibutan.
Bangon!
Bumangon ka mula sa iyong pagkakasalubsob sa makahoy at makitid na daan, hawiin mo ang mga baging na humaharang sa tamis ng iyong pag alpas.
Sa umaga, burahin mo ang koloreteng bahid ng kadiliman, taas noo kang humarap sa lahat, hindi ka isang kahihiyan, ikaw, sampu ng iyong pamilya ay isa lamang sa bilyon bilyong tao na nagsusumikap upang paglabanan ang buhay, ikaw ay isang mandirigmang hindi sumusuko sa laban, huwag kang matakot, itakwil mo ang masasamang nakaraan, hindi ka nilalang ng diyos upang pagdusahan ang lahat ng iyong pighati, sa araw ay ginigisingin ka niya nang may bagong pag-asa, pag-asang hatid ng pag-ahon ng araw mula sa silangan, at mamayang gabi, matatag mong harapin ang panibagong pagsubok, muli kang umalpas, mabuhay ka kaibigan, mabuhay ka...... Magdalena!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento