Pasado ala una na pala, napaiktad ako sa kama nang dalawin ako ng nimpa ng panaginip, isang panaginip na bumagabag sa aking tahimik ngunit nakabibinging gabi.
Syempre naisip kong isahare siya!
Sa isang madamong bahagi ng kagubatan ay nakita ko ang aking sarili sa katauhan ng isang ibon, sa isang ibong pipit, ngunit hindi gaya ng ibang ibon na malayang lumilipad, ako'y malungkot na nasa ibabaw ng dambuhalang bato, sinubukan kong lumipad, ngunit hindi ko magawa, ang mabigat kong mga pakpak ay tila iginapos ng tubig, dagdag pa ang tila balibaling buto sa aking tagiliran. Ngunit sa kabila ng kirot na dinadala, ay nakita ko ang isang Maya, isang mayang malayang lumilipad sa kalangitan, ganun na lamang ang pagnanais kong malapitan siya, tila isang diwatang nag-aayang lumibot sa daigdig na puno ng magagndang tanawin, at masdan ang ganda ng na biyaya ng panginoon.
Habang nilalasap ang sakit na dulot ng kawalang kalayaan ay binusog niya ang aking mga mata, walang yabang sa paglipad ang maya di tulad ng ibang kasabayan niya sa gitna ng kalayaan, isang nilalang na tunay na anak ng diyos, tahimik at mahinhin niyang minamasdan ang lupa, at taimtim akong nanalangin na kanyang mamasdan, mapansin man lamang, naghahanap ng magiging dahilan upang kahit isang saglit ay bumaba siya sa aking kinalalagyan, nagdarasal na siya'y makasama, at sa muling pagpagaspas ng aking mga pakpak ay sabay naming lilibutin ang paraiso, ang napagandang kagubatan, lilipad kami nang walang katapusan, magmamahalan.
Ngunit sa gitna ng aking pag-iilusyon ay mayroong isang agila, isang magiting na Agila, na lumilipad nang walang humpay, siya ang may pinakamatayog na kinalalagyan, naghahari sa sangkalangitan at ang lahat ay tila sinasamba siya, sa muling pagsulyap ko sa Maya ay hindi na ko nagtaka nang makita ko siyang kay tamis ng tingin sa Agila, masakit para aking makita ang kanyang paghanga sa ibang nialalang, ngunit ano nga ba naman ang laban ng isang ibong pipit sa makapangyarihang agila, hindi rin sala ng hari ng mga ibon kung bakit siya ang nais ng nilalang na walang pantas kong iniibig.
Ganun pa man, tahimik akong maghihintay, maghihintay na humilom ang sugat, ng alin? ng sugat na dulot ng damdaming binigo ng kasaysayan o ng kirot na dulot ng pagkabali ng aking mga pakpak?
Kung alin man ang maunang maghilom, pipilitin kong lumipad, kahit hindi man nakatuon ang tingin sa akin ng minamahal kong maya, sasabayan ko siya sa bantayog ng kalayaan, at kahit na hindi niya pansin, pipilitin kong ihatid siya sa tuktok ng kalangitan, ihahanap ng kaligayahan, at kapag siya na ang tinitingala ng lahat, masugit ko siyang mamasdan, at magiging masaya na lamang, masayang minamasdan siyang nasa rurok ng kaitaas taasan, na tila nilalaro ng mga anghel. at babalik ako kung saan ko unang nakita ang kaligayahan sa kabila ng hapdi
sa dambuhalang bato,
kung saan ko siya unang nasilayan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento