Huwebes, Marso 22, 2012

Buti pa ang mga Ibon

Buti pa ang ibon, kayang lumipad hanggang rurok ng kaitaas taasan, paglipad na sumsimbolo sa kalayaan, hindi tulad ko, ang tanging kaya ko lang gawin ay tumingala at sundan siya ng titig, mga titig ng pagkainggit sa isang hayop na mas mataas ang lipad kaysa sakin, minsa'y naisip ko rin kung isang araw ay bigyan ako ng pagkakataong maging isang hari ng sangkalangitan, aangkinin ko ang kalawakan at mamasdan ko ang lupang aking pinagmulan, sisilipin ko ang mga kalsada, parke, ilog at lahat ng magagandang tanawin, liliparin ko ang pinakamalayong probinsya ng Pilipinas.

Gusto kong dapuan ang pinakamataas na punong kahoy sa kagubatan, damhin ang sarap ng simoy ng hangin, at higit sa lahat, mapupuntahan ko ang lahat ng nais kong puntahan, walang kailangang requirements at walang may karapatang magbawal.


Malalapitan ko ang mga taong nais kong makasama, mamamasdan ko ang tunay na kalakaran, hindi ko kailangan ng pera, ng gamit at ng kung ano pa man, ako'y magiging malaya, malaya sa lahat ng bagay na tila kumukontrol sa tao, malaya sa mapanghusgang lipunan na aking ginagalawan, makakakain ako ng walang ibang nag iimbot, at malaya rin akong makisabay sa iba pang ibon na nakikipaglaro sa hampas ng hangin, at kapag dumating na ang bagyo, dahan dahan akong bababa sa lupa tutuyuin ang mga basa kong pakpak, tatayo sa pinakamataas na bundok at mamasdan ang mga tao sa lupa.

Gusto kong maging isang ibon, huhuni nang pinakamagandang tugtugin at awit ng buhay, at kapag panahon na upang kunin ako ng diyos, hihiga ako sa tabi ng isang matatag na punong kahoy na dati'y dinadapuan ko lamang, hihintayin ko ang paglagot ng aking hininga at iaalay ko ang aking katawang lupa sa punong magiging pinakamatatag sa lahat, at ako'y payapa na, tahimik at masaya!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento