Huwebes, Marso 22, 2012

54

Alas siyete ng gabi, kailangan ko nang magmadali malelate nanaman ako, sisigawan nanaman ako ni Mudra, halos patakbo kong nilakad ang kahabaan ng Tandang Sora papunta sa pinagtatrabahuhan ko.

Late ka nanaman!
Ikaw palang ang babae
papano tayo kikita niyan?
Yung kalaban sa negosyo kanina pa,  pulpak na sa parokyano
tayo magbubukas palang!
Bayaran pa nanaman ng kuryente bukas!
Hindi niyo na naisip yung mga bayarin ko eh
ang laki-laki ng gastos ko sa inyo kala mo ba?

Walang imik lang akong nag ayos ng mga upuan at nag make up, nagpapanggap na walang naririnig, eh ano ba namang magagawa ko? Si ash may lagnat, kung alam ko lang siguro kung sinong ama ng batang to, edi hindi ako naghihirap ngayon, si mama naman nagpatulong sa pananahi, hindi pa nga ako natutulog, wala pang makain sa bahay, gusto ko sanang itanong kung may makakain ba kila Mudra, kaso napangunahan na ko ng bunganga niya, hala sige! Busog na ko!

larawan mula sa google
Mag-iisang oras na kong nakatanga bago pa dumating ang iba ko pang katrabaho, gaya ng mga sinabi sakin kanina ng amo namin, ganun din ang narinig nilang sermon, parehong pareho ultimo hinto at timing ng paghinga at singhot ng amo kong may sipon pa hanggang ngayon (mag dadalawang linggo na ata ang sipon niya, malamang namuo na yun!), at gaya ng reaksyon kong parang walang nainig ay tila tuod din nilang binalewala ang mga sinabi ni Mudra.

Mag iisang buwan na rin nga pala ako sa trabahong to, pasalamat nalang at hindi naman napupudpod ang mga kamay ko, at bukod sa nakakapuyat ay hindi naman ako pagod, instant pa ang kwarta!

Nang malingat ang amo namin para mag inspeksyon sa isa sa mga kwartong ginagamit namin ay nakita ko ang isang kwaderno, alam kong ito ang listahan ng aming mga nakaraang transaksiyon, kasunod ng mga Letrang E.S.P ( Especial kung bubuuhin, iwas huli dahil natimbog kami at dagdag ebidensiya kung V. I.P ang ilalagay namin) binuklat ko ang mga pahina tungo sa petsa kung kailan ako unang pumasok, binilang ang mga letrang ESP kasunod ng aking pangalan o sasabihin ko nalang sigurong palayaw, tutal iba iba naman talaga ang pangalan ko kada buwan eh, para nga naman daw iba-iba ang naririnig ng customer, hindi naman nila mapapansin dahil kadalasan silang lasing kapag nakikipagtransaksiyon.

Isa, dalawa, tatlo...........tatlumput apat,..........apatnaput lima............singkwentay kwatro, oo hanggang limamput apat.......



Marami-raming beses narin pala akong nabebenta, marami raming beses ko nang tinitiis ang amoy ng samut saring lalaki, 54 beses na kong kumita ng limang daang piso, mahina kumpara sa iba, ngunit kapalit ay ang buo kong pagkatao, di bale, konting tiis nalang,


mahahanap ko rin naman ang ama ni ash, magsasama kami, at mabubuhay nang masaya, malayo sa pinanggalingan ko

kailan?

hindi ko alam,

basta

malapit na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento