Tanggapin mong kabayaran, itong aking katha
Manong driver na naghatid sa akin sa iskwela
Ika’y nilamon ng sistemang mapangdusta
Kaya’t sa kalsada, handog ko’y isang tula.
Iyong itinaya’y, isang litrong pawis
Sukli’y kakarampot na barya
Sa palad ang manibela’y iyong ikikiskis
Daratnan pa’y nangangalam na pamilya
Doo’y nagtalik ang gulong at kalsada
Paglamon ng makina sa iyong gasolina
Nanganganak ng pasakit at pagdaralita
Tatlong higanteng sugapa’y nagbabadya
Sinong salarin at walang laman iyong sikmura?
Kundi mga berdugo, na ganid sa kita
Larawan ng pighati, ang hapo mong mukha
Naglahong kaginhawaan, kailan makikita?
Piniling mabuhay sa gubat ng alikabok
Tanging pag-asay iyong pagtitiis
Ika’y kakayod, hangga’t kataway mabulok
Upang maibangon, ang pamilyang hapis
Hayaan mo manong, tayo’y lalaban
Susungkitin natin, ang ating karapatan
Tutunawin ang iyong pag-aagam agam
Tamis ng tagumpay, bunga ng himagsikan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento