Huwebes, Marso 22, 2012

Bibe

Habang nagpapakain ng mga inahing bibe pato, at tilapia sa munti naming bakuran ay may kapirasong parte nanaman ng utak ko nag bumbilya epek (tingining!)


" sa kakarampot na tinapay na ihahagis ko sa kanila ay nagkukumahog mag agawan ang mga kaawa-awang bibe sa aking paanan, hindi ko maipaliwanag kung anong saya ang nararamdaman ko sa tuwing ihahagis ko ang bagay na tiyak na magdurugtong sa kanilang buhay at kumakalam na sikmura, ang kapirasong tinapay na magbibigay sa kanila ng hudyat upang mamuhay ng karagdagang isang araw"

Ganito pala ang pakiramdam kung ikaw mismo ang kokontrol ng buhay ng ibang hayop, ito marahil ang dahilan kung bakit hayok sa kapangyarihan ang lahat, kung bakit mayroong nagkukumahog upang makipag-agawan sa kapirasong tinapay at mayroon ding naghahagis ng kakarampot na pagkain sa kanila, ang puno't dulo ay ang pagiging sakim sa kapangyarihan.

"Maya-maya pa'y lumapit ang isang bibe sa aking paanan at tinuka ang aking paa, makikita mo sa munting mata ng hayop ang kakulangan at pagnanais na magkaroon ng sapat na makakain, ngunit hindi pumasok sa aking isip na abutan siya ng kaniyang pangangailangan, bagkus ay sinipa ko papalayo ang kaawa-awang hayop, walang ibang hayop na lumapit at patulo'y ang karamihan sa pagtuka ng kanilang mga pagkain"

Kapag ang isa'y namulat sa kaniyang karapatan upang mamuhay, walang habis siyang lalaban sa higanteng nagmamanipula sa karamihan, ngunit ang dambuhala'y higit na malakas, higit na may kapangyarihan at higit na may magagawa, sisipain papalayo ang mahihina at igigiit ang kinasisiyang pagmamalabis.

Ngunit ang iisang lumaban ay darami, aalsa ang noo'y nagbabagang damdamin at magiging isang silab na tutupok sa naghahari-harian at mapang-aping sistema.

Ngunit alin at sino ba ang dapat sugpuin? ang mapagmalabis o ang bulok na sistemang kumakain sa karapatan ng karamihan? sino ang dapat sunugin sa impyerno? ang tao o ang sistema ng demonyo? sa palagay ko'y alam mo na ang sagot!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento