Martes, Enero 31, 2012

Nakakatawa ka?

"Buong buhay ni Dolphy sa comedy ay hindi pwedeng hindi siya manghahampas ng Diyaryo"

Totoo naman, wala na talagang magawang ibang biro ang mga komedyante dito sa Pilipinas (hindi lahat) kundi ang manakit, bentang benta raw kasi sa mga manunuod ang mga ganitong klaseng kabalbalan, si Dolphy na kung hindi manghahampas ng diyaryo ay babatukan naman ang kaniyang kasama sa eksena kasabay ng nakatutuwang tunog (?) ay inidolo pa ni Vic Sotto at ng iba pang komedyante. 

Kung hindi kababuyan ang gagawin ni Vic Sotto ay babatukan niya ang kung sinong pangit na nasa harap, siyempre hindi niya pwedeng saktan ang mga magagandang cast dahil madalas sa hindi ay nagiging Girlfriend niya ang mga ito. Sa totoo lang? Wala na bang ibang nakakatawang bagay para sa mga komedyante kundi ang manghampas ng diyaryo at mamatok ng kapwa? Bakit bentang benta sa mga manunuod ang mga ganitong kaengotan?

Hindi ba pwedeng bumenta sa mga Pilipino ang mga birong may iaambag sa pag-unlad, "mga birong ginagawang mas mali ang mali upang mabago at maging tama"? Kung ang pisikal na kaaanyuan ng isang tao ang batayan ng pagiging nakakatawa, malamang ay hindi na matutuldukan ang diskriminasyong naghahari sa isip ng lahat, ang kaisipang kapag pangit ka ay mas mababa ang tingin sa iyo ng lipunan.

Patunayan nating matalino tayo bilang isang Pilipino, hindi naman tayo ganoon kababaw upang magpadala sa walang kwentang mga biro, tumawa sa paraang pinagkakaitaan lamang tayo ng mga prodyuser ng palabas na nagpupumilit patawanin ang isang mulat na Pilipino. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento