Huwebes, Enero 5, 2012

Hindi Lamang Isang Araw ang Pasko.

ni: Batang Riles a.k.a Jun-Jun Ampatuan

Bukod tangi ang Pinas sa pagdiriwang ng kapaskuhan, nariyang pagpatak pa lamang ng unang araw ng setyembre ay mayroon nang sangkatutak na dekorasyon ang bawat tahanan (iyong mga nakakarangya sa buhay), limang buwan itong mananatili sa tahanan hanggang magtapos ang unang buwan ng susunod na taon o kung minsan, isang buong taon pa ngang nakasabit at nakatiwangwang ang mga palamuti na tila ba walang initinding bayarin sa kuryente, ganiyan karangya o nagpapakamarangya ang marami sa atin.

Totoo nga namang ang Pinas ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskuhan, marahil ay nakaugat na ito sa ating likas na pagiging masiyahin, na bagaman lugmok tayo sa hirap at lubog sa malagkit na putik ng lipunan ay nagagawa parin nating ngumiti at magpangiti ng iba.

Ito ang batas ng pasko, kailangan mong maging masaya, kailangan mong maghanda ng pagkaing hindi kayang ubusin sa magdamag at sobra sobra sa pangangailangan ng pamilya, kailangan mong magsuot ng bagong damit at lumabas ng bahay para igala ang anak mo sa kaniyang mga ninong at ninang, marahil, itong araw na rin na ito ay natsetsempuhan ng mga Pilipinong tumakas mula sa masalimuot na buhay, isang pagkakataon rin namang sinasamantala ng mga kapitalista ang panahon upang ilabas ang mga produkto na siguradong maghahatid sa kanila ng limpak limpak na salapi sa paraang ang papasan ay ang taong bayan.



Tama, makatarungan ngang hindi lamang isang araw ang pasko, kung maari nga lang ay gawing buong taon ang pagdiriwang nito upang maging permanente na ang ngiti sa aking mga kababayan, upang hindi ko na sila makitang namoroblema sa pambayad ng kuryente pagsapit ng Enero dahil naubos na niya sa Noche Buena at Medya Noche ang kaniyang budget na pang tatlong buwan. Hindi na rin mauubos ang mga taong nagpapakabait sa buwan lamang ng Disyembre.

At kung araw-araw pasko, siguradong magiging masipag na magsimbang gabi ang mga kabataang gangster habang hawak-hawak ang kamay ng katipan nila at kumakain ng tigsasampum-pisong puto bungbong. Hindi kaya ang pasko na ang sagot sa kahirapan ng Pilipinas? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento